Simbahan‘di makikiisa sa ‘Tokhang 2’

MANILA, Philippines - Tumanggi ang Simbahang Katolika na maki­pagtulungan sa Oplan Tokhang Part 2 o Project Double Barrel Reloaded ng Philippine National Police (PNP) sa katwirang hindi nila maaaring ikompromiso ang prinsipyo at paninindigan laban sa programang konektado sa extra-judicial killings.

Sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on the Laity, na hindi niya pinaunlakan ang imbitasyon ni PNP Chief Ronaldo “Bato” dela Rosa na makiisa sa revival program ng Oplan Tokhang 2.

“We in the church do not want to be involved in any killings or do not condone any killing,” pahayag ni Bishop Pabillo.

Bukod dito, nilinaw ni Bishop Pabillo na hindi mapagkatiwalaan ang pamahalaan dahil sa paiba-ibang sinasabi ni Pangulong Duterte at PNP chief sa kampanya laban sa iligal na droga.

Muling ibinalik ang operation Oplan Tokhang 2 ng PNP at inanyayahan ni dela Rosa ang lahat ng religious groups na makiisa sa programa, magpadala ng kinatawan para makasaksi na malinis na at wala nang anomalya ang kanilang programa.

 

Show comments