MANILA, Philippines - Inatasan ng Ombudsman ang tinanggal na alkalde ng Puerto Princesa City, Palawan na si Lucilo Bayron, ang pumalit sa kanya at siyam na iba pang lokal na opisyales ng pamahalaang lungsod na sagutin ang panibagong reklamo ng katiwalian sa loob ng 10 araw.
Sa kautusan ni Dir. Margie Fernandez-Calpatura ng Ombudsman for Luzon na may petsang Pebrero 13, 2017, binalaan din ang mga akusado na hindi papayagan ang ano mang ‘dilatory motion’ upang mapatagal ang imbestigasyon sa reklamong isinampa ng ‘Advocates for Excellent Government/ACSO,’ isang ‘civil society organization’ sa katauhan ni Jose Maria M. Mirasol.
Bukod kay Bayron na una nang tinanggal noong Disyembre 2016 ng Ombudsman dahil sa “pag-abuso” sa kapangyarihan, inireklamo rin sina: Mayor Luis M. Marcaida III; vice mayor Maria Nancy Socrates; mga konsehal na sina, Jimmy L. Carbonell, Matthew K. Mendoza, Modesto V. Rodriguez II, Roy Gregorio G. Ventura, Victor S. Oliveros, Henry A. Gadiano. Nesario G. Awat at Primo S. Lorenzo, ex-officio member, IP representative.
Higit tatlong linggo pa lang ang nakaraan matapos manumpa sa kanilang mga bagong posisyon sina Marcaida at Socrates bunga ng ginawang pagsipa kay Bayron sa kanyang puwesto ng Ombudsman.
Si Bayron ay tinanggal ng Ombudsman matapos mapatunayang “itinago” ang kanyang relasyon sa kanyang anak na si Karl na kinuha niyang hepe sa kanyang sariling ‘security group’ nang maupo siyang alkalde noong 2013.
Batay naman sa bagong reklamo, noong Nobyembre 22, 2016, inaprubahan ni Bayron, bilang mayor, ang ‘SP Resolution 218-2016 na nagtatayo ng bagong ‘Puerto Princesa Water System.’
Ito ay sa kabila ng katotohanang mayroon nang ‘Puerto Princesa Water District’ (PPWD) na higit 41 taon na ngayon ang operasyon.
Ayon pa sa grupo ni Mirasol, ang desisyon ng mga akusado ay paglabag sa ‘Presidential Decree’ (PD) 198 o ‘Local Water Utilities Act’ ang batas hinggil sa awtonomiya at operasyon ng mga ‘local water districts’ (LWDs).
Nilabag din umano ng mga akusado ang RA 6713 (Code of Ethical Standards), EO 292 (Administrative Code of 1987) at ang RA 7160 (Local Government Code).
Isinumite rin ng grupo ang kopya ng ‘memorandum circular ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary, Ismael Sueno, kung saan mahigpit ang naging tagubilin nito sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) hinggil sa awtonomiya at operasyon ng mga LWDs na ginagabayan ng PD 198.
Ang sirkular ni Sueno ay inilabas noong Oktubre 18, 2016, higit isang buwan bago inaprubahan ni Bayron at mga kasamang akusado sa konseho ang SP 218-2016.