MANILA, Philippines - Balak ni Pangulong Duterte na gawing kurtina sa Fort Bonifacio sa pamamagitan ng pagbigti o hanging ang mga mahahatulan ng parusang bitay sa sandaling maging ganap na batas na ang panukala.
Ayon sa Pangulo, nawala na ang respeto ng mga tao sa batas kaya patuloy ang paggawa ng krimen.
“Alam ko kasi ganito ‘yan eh. Sa Pilipinas ang nawala ‘yung respect for the law or of the law. Ang nawala young takot ng tao sa batas kaya everybody was into it,” anang Pangulo.
Ipinaliwanag pa ng Pangulo kahit pa mayroong death penalty noon wala namang nagpatupad ng batas.
“Now here comes the argument na andito ‘yung death penalty noon at wala namang nangyari kasi walang pinatay kasi walang president na nagsabi na iimplement niya ‘yung death penalty,” ani Duterte.
Tiniyak ng Pangulo na ngayong panahon niya ay ipatutupad ang batas at ibibitin pa sa Fort Bonifacio ang mapapatawan ng parusa.
“Ngayon sa panahon ko kung masintensyahan ka ng death penalty gawin talaga kitang kurtina sa Fort Bonifacio. By hanging,” pahayag ng Pangulo.
Naniniwala rin ang Pangulo na dapat maisama sa mapapatawan ng parusang bitay ang mga rapists.
“Yes that’s gross violation of the dignity of a woman. Ewan ko bakit they took it out,” pahayag pa ng Pangulo.
Nauna rito, tinanggal sa House of Representatives ang kasong rape sa mga dapat mapatawan ng bitay.