De Lima kulong na!
MANILA, Philippines - Nakakulong na sa PNP Custodial Center si Sen. Leila de Lima matapos kusang sumama kahapon sa mga miyembro ng Criminal Investigation Division Group (CIDG) na nagsilbi ng kanyang warrant of arrest sa Senado.
Mula sa kanyang kuwarto sa Room 502, bumaba si de Lima kasama si Sergeant-at-Arms Jose Balajadia sa basement ng Senado kung saan naghihintay ang mga ahente ng CIDG na pinangungunahan ni Chief Supt. Roel Obusan. Si de Lima ay nagpalipas ng magdamag sa Senado bago boluntaryong sumurender sa CIDG. Nakasama ni de Lima sa kanyang tanggapan ang anak na lalaki na si Israel.
Eksaktong alas-8:13 ng umaga ng umalis ang convoy ni de Lima kasama ang arresting team at idiniretso ito sa Camp Crame.
Ronnie Dayan
Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos matapos na pakainin ng almusal ay agad isinailalim sa booking procedures sa CIDG si de Lima kung saan kinunan ito ng mugshot, fingerprints at isinailalim rin sa medical examination.
Alas-11:00 ng umaga nang dumating ang convoy de Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 204 at iniharap ito kay Judge Juanita Guerrero.
Tatlong minuto lamang nanatili si de Lima kasama ang kanyang abogadong si Atty. Alex Padilla sa sala ni Judge Guerrero.
Naglabas naman ng “commitment order” ang korte na sa PNP Custodial Center pansamantalang ikulong si de Lima. Bago pa man ipinalabas ang warrant of arrest laban kay de Lima ay ipinahanda na ni PNP Chief P/Director Ronald dela Rosa na nasabing piitan.
Nauna nang hiniling ng abogado ni de Lima na kung maaring i-custody muna ito sa Senate Sgt-at-arms na babantayan ng ?24/7 habang nililitis ang tatlong magkakahiwalay na kaso nitong may kaugnayan sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
Alas-11:30 naman ng umaga nang dumating ang convoy ni Ronnie Dayan, ang driver/body guard ni de Lima na sinampahan din ng kaparehong kaso sa Muntinlupa RTC Branch 204.
Hindi naman nagkita sa loob ng hukuman sina de Lima at Dayan kahit magkasunod sila na iniharap sa huwes. Sa Muntinlupa City jail ikinulong si Dayan.
Samantala, posibleng isama sa selda ni Dayan si dating NBI Deputy Director Rafael Ragos sa oras na maaresto ito ng mga awtoridad anumang araw.
Kasama si Ragos sa pinaaresto ng Branch 204 kaugnay sa Bilibid drug trade.
Naghigpit na ng seguridad sa PNP Custodial Center na magsisilbing kulungan ni de Lima na pinagkukulungan rin nina dating senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla na kapwa akusado sa plunder.
- Latest