MANILA, Philippines - Idiniin kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Eduardo Año na mataas ang moral ng AFP na malakas na sumusuporta sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya malayong magsagawa ng kudeta ang militar laban dito. Ginawa ni Año ang pahayag kaugnay ng pinalutang na ulat ni Communication Secretary Martin Andanar na patuloy itong nakakatanggap ng impormasyon hinggil sa nilulutong kudeta laban kay Duterte. Pero nilinaw ni Año na dumidistansya ang AFP sa anumang isyu sa pulitika at tanging naka-pokus lamang sa mandato nito na protektahan ang estado gayundin ang mamamayan. Idinagdag ng heneral na tumatalima sa itinatadhana ng Saligang Batas ang AFP at bukod dito ay natuto na sa kasaysayan ng mga bigong kudeta para masangkot pang muli sa pag-aaklas laban sa pamahalaan.