MANILA, Philippines - Isinusulong ni Quezon City Rep. Winston Castelo na ipagbawal na ang field trips ng mga estudyante.
Ginawa ni Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang mungkahi sa sa Department of Education (Deped) at Commission on Higher Education matapos ang malagim na aksidente sa Tanay, Rizal kung saan 14 na estudyante ng Bestlink College ang nasawi.
Paliwanag ng mambabatas, hindi naman malinaw kung ano ang kahalagahan ng field trip sa pag-aaral ng mga estudyante at hindi rin nasisiguro dito ang kanilang kaligtasan kaya dapat magkaroon ng moratorium.
Bukod dito, inoobliga rin ni Castelo ang Deped at Ched na imbestigahan at ipasara ang paaralan na namimilit sa mga estudyante para sumama sa field trips kaya hirap ang maraming magulang na tugunan ang malaking gastos sa ganitong educational tours.
Kinalampag din ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang Land Transportation Office at Land Transportation and Franchising Regulatory Board para masiguro ang road worthiness ng mga bus na binibigyan nito ng prangkisa.