Hiling ni Robredo vs election protest ni Marcos ibinasura
MANILA, Philippines - Nanindigan ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na may hurisdiksyon ito sa electoral protest na inihain ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo.
Ito ay makaraang hindi paboran ng PET ang hiling ni Robredo na ibasura ang protesta ni Marcos.
Sa walong pahinang resolusyon, idineklara ng PET na “sufficient in form and substance” ang reklamo ni Marcos laban kay Robredo na nakatunggali niya sa Vice Presidential Elections nuong 2016.
Nauna nang iginiit ni Robredo sa kanyang verified answer sa protesta ni Marcos na walang hurisdiksyon ang PET sa kaso dahil ang kinukuwestiyon nito ay ang authenticity ng mga Certificate of Canvass at ang isyung ito ay dapat na inungkat nuon pang pre-proclamation o sa Kongreso na umuupo bilang National Board of Canvassers.
Pero sa resolusyon ng PET, tinukoy nito na sa ilalim ng Section 4, Article 7 ng Konstitusyon at sa Rule 13 ng PET Rules, ang PET ang siya lamang magiging tagahusga o hukom sa lahat ng mga protesta na may kinalaman sa election returns at qualification ng Presidente at Bise Presidente ng bansa.
Kabilang na umano rito ang mga katanungan na may kinalaman sa authenticity ng mga COC.
Pero kahit idineklara ng PET na sapat sa porma at sustansya ang protesta ni Marcos, ang mga alegasyon na kanyang tinukoy ay kinakailangan pang mapatunayan.
Ang PET ay binubuo ng 15 mahistrado ng Korte Suprema.
- Latest