MANILA, Philippines - Isusulong ng isang maka-kaliwang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte ang paglusaw sa ibinibigay na Conditional Cash Transfer (CCT) dahil hindi daw ito ang solusyon sa kahirapan.
Ayon kay National Anti-Poverty Commission chair Liza Maza, hindi ang pagbibigay ng CCT ang sagot sa kahirapan bagkus ay dapat bumalangkas ng mga programa na may agarang solusyon dito.
Aniya, mahalaga din na matuloy ang peace talks sa CPP-NPA upang mahanapan ng tamang solusyon ang ugat ng kahirapan na nagtulak sa armadong pakikibaka.
“Sa palagay ko maganda na maituloy ‘yung peace talks para mapag-usapan na nga seryoso ‘yan at magkaroon na ng agreement tungkol sa social and economic reforms like, for example, land reform,” dagdag pa ng NAPC chief.
Bukod kay Maza ay nakatakdang pulungin ni Pangulong Duterte sa Feb. 20 sina DAR Sec. Rafael Mariano at DSWD Sec. Judy Taguiwalo kaugnay sa kinanselang peace talks sa CPP-NPA.
Umaasa si Maza na magbabago ng isip ang Pangulo matapos madinig ang kanilang apela upang ituloy ang usapang pangkapayapaan.