MANILA, Philippines - Posibleng maipasa ng Kamara ang panukalang ibalik ang parusang bitay o kamatayan ayon kay Deputy Speaker Ferdinand Hernandez.
Ito ay dahil aniya sa marami na sa dating mga kongresistang tutol sa death penalty ang bumaligtad at nagpahayag na ng suporta sa House Bill 4727.
Dagdag pa ni Hernandez, nagbago na ang posisyon ng mga kongresistang anti-death penalty dahil sa nangyaring concensus sa nakaraang caucus ng supermajority na huwag ng gawing mandatory ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Samantala, nilinaw naman nito na tsismis lang ang naglalabasang impormasyon na may iringan sa loob ng supermajority dahil sa polisiya ni Speaker Pantaleon Alvarez na tanggalan ng posisyon ang House leaders na tututol sa death penalty .
Para kay Hernandez, nararapat lamang ang polisiyang ito ni Alvarez dahil kailangan ng matibay na liderato para mailusot ang ganitong kakontrobersiyal na panukala at mai-deliver ang naipangako ni Pangulong Duterte sa publiko.