7 patay, marami sugatan sa lindol sa Surigao del Norte
COTABATO CITY, Philippines – Sumampa na sa pito katao ang naiulat na nasawi habang daan-daan naman ang sugatan matapos na tumama ang lindol sa Surigao City sa lalawigan ng Surigao del Norte alas-10:30 kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, 27 aftershock ang naitala nila matapos na tumama ang 6.7 magnitude na lindol.
Ang sentro ng paglindol ay nasa 14 kilomentro sa kanlurang bahagi ng Surigao City.
Sinabi ng Phivolcs na tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 11 kilomentro.
Naitala din ang after shocks sa Dinagat islands, Burgos, Libjo sa Surigao del Norte at San Jose sa Dinagat at ilang bahagi ng Southern Leyte.
Ayon kay Ramon Gotinga, Surigao del Norte PDRRM officer, nawalan ng kuryente ang nasabing lugar matapos na nagsara ang Surigao Del Norte Electric Cooperative.
Nagkaroon rin ng bitak ang Surigao City Airport Runway dahilan para magkansela ng flights ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Surigao City.
Ayon kay Gotinga, may mga bitak ang ilang mga tulay sa siyudad habang nabasag naman ang mga salamin ng ilang mga gusali.
Nasira naman ang ilang mga sasakyan matapos na mahulugan ng mga debris ng gusali.
Sinabi ni CARAGA Office of Civil Defense (OCD) Public Affairs Officer April Rose Sanchez na lima sa mga nasawi ay nakilalang sina Robert Eludo Jr., 39; JM Aviar, 4; Lito Wilson; Wenefreda Aragon, 66; Lorenzo Deguino at dalawa pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Ang mga nasugatan ay patuloy namang ginagamot sa CARAGA Regional Hospital at Miranda Family Hospital habang 73 sa mga ito ay pinayagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan matapos na mabigyan ng pangunahing lunas .
Sa report ng Surigao City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC, ayon sa Phivolcs, ang malakas na lindol ay puminsala rin sa paliparan ng lungsod at iba pang mga gusali at istraktura sa lungsod.
Inirekomenda rin ng City Council na isailalim na sa state of calamity ang lungsod dahilan sa malaking pinsala sa nangyaring lindol na naitala pasado alas-10 ng gabi. Sa kasalukuyan, ay nakapagtala na ng 89 aftershocks sa lungsod matapos ang lindol na bunga ng paggalaw ng fault zone pero binawi ang pangamba sa tsunami.
Nabatid na karamihan sa mga residente ay mahimbing ng natutulog nang yanigin ng lindol ang lungsod ng Surigao kung saan marami sa mga ito ang nagpanik at nagtakbuhan sa mga kalsada habang ang iba naman ay halos hindi makatayo sa lakas ng pag-uga.
Nabatid na maging ang isang bahagi ng kisame ng Caraga Regional Hospital ay bumagsak sa insidente at mabuti na lamang at walang tinamaan sa mga pasyente dito habang naglagay na rin ng mga tolda sa labas ng pagamutan.
Nagtamo rin ng pinsala sa insidente ang mga gusali at establisyemento kabilang ang Gaisano Capital shopping mall, Parkway Hotel at iba pa habang bahagyang pinsala naman ang tinamo ng Surigao State College of Technology, Palma Store, bahagi ng kalsada sa Brgy. Rizal at bahagi ng national highway sa Brgy. Luna.
Sinabi ni Captain Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, na napinsala rin ng lindol ang tulay sa Brgy. Anao-aon sa San Francisco, Surigao del Norte.
Dumaranas rin ng malawakang blackout sa malaking bahagi ng lungsod sanhi ng malakas na lindol.
Kaugnay nito, ayon pa sa opisyal ay minobilisa na ni 4th ID Commander Major Gen. Benjamin Madrigal ang 30th Infantry Battalion ng Army para magsagawa ng rescue operations sa mga lugar na napinsala ng lindol sa lungsod at iba pang bahagi ng Surigao del Norte.
Inihayag naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nakahanda na ang relief goods para sa mga naapektuhan ng lindol at patuloy ang kanilang assessment sa pinsala nito sa lungsod at iba pang lugar sa rehiyon.
Naramdaman rin ang lakas na lindol sa Intensity 6 sa Surigao City at Pintuyan, Southern Leyte, Intensity 5 sa Mandaue City, San Ricardo, Limasawa at San Francisco, Southern Leyte.
Intensity 4 sa Hinunangan, Southern Leyte at Butuan City gayundin ay naramdaman ang Intensity 3 sa Hibok-hibok, Camiguin, Tolosa at Tacloban, Leyte, Bislig City, Gingoog City, Misamis Oriental
Intensity 2 naman sa Cagayan de Oro City, Talocogon City, Agusan del Sur, Dumaguete City, Cebu City. (May kaugnay na mga larawan sa pahina 6)
- Latest