MANILA, Philippines - Hindi na gagawing mandatory ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Base sa napagkasunduan sa Caucus, hindi na mandatory ang death penalty sa mga heinous crimes kundi gagawing reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo hanggang death o kamatayan ang parusa.
Nangangahulugan ito na ipapaubaya na lamang sa hukom ang desisyon kung ipapataw ang parusang kamatayan sa isang kriminal depende sa ebidensya laban sa kanya.
Ang mga nabanggit na napagkasunduan sa caucus ay gagawing amyenda sa death penalty bill sa sandaling umabot na ito sa period of amendments.
Samantala, kinumpirma naman ni Speaker Pantaleon Alvarez, na may mga inalis silang krimen sa heinous crimes na may opsyon na mapatawan ng death penalty.
Kabilang sa mga naalis ang kasong plunder dahil napagkasunduang huwag nang amyendahan ang plunder law kung saan reclusion perpetua lamang ang pinakamabigat na parusa sa pandarambong.
Nanindigan din si Alvarez na itutuloy niya ang pagtanggal sa pwesto sa mga House leaders na tutol sa death penalty.
Isa na dito si dating Pangulong Gloria Arroyo na posibleng maalis sa pagiging Deputy Speaker kung hindi magbabago sa pagiging anti-death penalty.
Inatasan na rin ni Alvarez si House Majority leader Rodolfo Fariñas para kausapin ang dating pangulo.