Bato: ‘Yung Simbahan ba walang kalokohan?

A student walks under a sign posted beside a church in Lingayen, Pangasinan yesterday. EVA VISPERAS

MANILA, Philippines — Tila napuno na si Philippine National Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pambabatikos nang patutsadahan niya ang Simbahang Katolika.

Sinabi ni Dela Rosa na isa siyang Katoliko ngunit hindi niya kailangan ang mga obispo at pari upang makausap ang Panginoon.

“Ano gusto nila pabayaan na lang namin ang problema sa drugs? Ganoon ang gusto nila? You know please tell them I can communicate with God without passing through them,” pahayag ng hepe ng PNP.

Nabanggit ito ni Dela Rosa kasunod ng paglalabas ng pastoral letter ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines kung saan inihayag nila ang pagkaalarma sa dumaraming napapaslang sa kampanya laban sa ilegal na droga.

“Kapag sinasabi natin na PNP hindi perfect, merong sindikatong pulis, bakit masabi mo ba ‘yung church, ‘yung pari mismo they are perfect? Wala silang ginagawang kalokohan? dagdag niya.

Sinabi ni CBCP President Archbishop Socrates Villegas na lalo lamang lumalala ang buhay ng pamilya ng mga namatayan na karamihan ay mahihirap.

Dagdag niya na nais ng CBCP ng pagbabago ngunit hindi sa pamamaraan ng pagpatay na wala namang napapanagot.

“We are one with many of our countrymen who want change. But change must be guided by truth and justice. The solution does not lie in the killing of suspected drug users and pushers. Let us not allow fear to reign and keep us silent,” sabi ng CBCP.

Sinabi ni Dela Rosa na nirerespeto pa rin niya ang Simbahan ngunit dapat ay maging patas aniya sila.

“I believe in God, Katoliko ako, but my relationship to God is direkta pa. I still i go to church because I respect the church,” sabi ng hepe.

“Hindi ko sila inakusahan. Hindi naman lahat ng pari e masama, so ganun din dapat ang pagtingin nila sa amin. Hindi lahat ng ng pulis masama,” dagdag niya.

 

Show comments