MANILA, Philippines - Muling natunghayan ng publiko ang mga natatanging kaugalian at tradisyon ng mga Ilocano matapos pinasinayaan ang Kannawidan Ylocos Festival sa probinsya ng Ilocos Sur.
Tampok dito ang iba’t-ibang laro ng lahi at mga rituwal ng mga tribo mula sa mga upland municipalities ng probinsya. Layunin nito na mapagyaman ito sa alaala ng mga kabataan at patuloy na maipamana sa mga susunod pang henerasyon.
Nagkaroon din ng mga labanan sa mga naglalakihang produkto at alagang hayop ng mga magsasaka. Binuksan na rin sa publiko ang food and trade fair kung saan tampok ang mga ipinagmamalaking “OTOP” o ang tinatawag na “one town one product” ng bawat munisipalidad.
Nagpatalbugan din sa kagandahan at nagtagisan ng talino ang 27 naggagandahang dilag para sa “Saniata ti Ylocos Sur 2017” na pinanalunan ni Ms.Salcedo, Angelica Maranan.
“Kilala ang Ilocos Sur sa mayaman at makasaysayan nitong kultura kaya naisip namin itong ipreserba sa pamamagitan ng mga pagtatanghal ng mga aktibidad na hindi makakalimutan ng mga tao,” dagdag pa ni Gobernador Ryan Singson.
Ang selebrasyon ngayong taon ay paghahanda para sa ika-200 taong selebrasyon ng probinsya mula ng mahiwalay ito sa probinsya ng Ilocos Norte sa pamamagitan ng Royal Decree noong 1818.