Bagong panukala ng ERC, binatikos ng Bantay Kuryente
MANILA, Philippines – Binatikos ng grupong Bantay Kuryente ang pagbabago sa regulasyon tungkol sa Retail Competition and Open Access (RCOA) na isinusulong ng Energy Regulatory Board (ERC).
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang mga konsyumer na gumagamit ng hindi bababa sa isang megawatt ay mayroon na lamang hanggang Pebrero 26 na maghanap ng bagong supplier kahit sa mas mataas na presyo ng kuryente.
Kaya ang mga apektadong konsyumer ay mapupuwersang bumitaw sa kanilang kontrata para muling makipag-negosasyon sa ibang supplier na nagbebenta ng kuryente sa mas mataas na halaga kumpara sa kanilang dating kinukuhanan.
Sa isang press statement, sinabi ni Bantay Kuryente Sec. Gen. Pet Climaco, na ang nasabing panukala ay magreresulta lamang sa mas mataas na presyo ng kuryente para sa mga apektadong konsyumer at mga negosyo at ang pagbibigay ng maikling palugit at ang madaliang pagpapatupad ng panukalang ito ay magdudulot ng pagkabigla sa mga konsyumer.
Kinuwestyon din ni Climaco ang timing ng ERC sa pagsulong ng panukalang ito ukol sa mandatory contestability na umano’y mayroong mga hindi sumasang-ayon mula sa ibat ibang sektor ng lipunan.
Bilang mga consumers umano na malaki ang demand sa kuryente ay sila ang magdurusa sa kung anumang negatibong epekto ng naturang panukala ng ERC tulad pagdaragdag sa kanilang gastos na tinatawag na operational expenses.
- Latest