MANILA, Philippines – Nagtalaga na kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa ng bagong hepe ng binuong Counter Intelligence Task Force (CITF) upang tutukan ang paglilinis ng kanilang tanggapan laban sa mga scalawags o tiwaling mga pulis.
Sinabi ni dela Rosa na si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, dating City Director ng Zamboanga City Police ang napili niyang mamuno sa CITF na titiyak na scalawags free at matatanggal lahat ng mga bugok na itlog sa PNP.
Si Malayo, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1989 ay itinalaga matapos buwagin ang PNP-Anti Illegal Drugs Group nang mabulgar na sangkot ang mga tauhan nito sa pagdukot sa South Korean trader na si Jee Ick-joo sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 2016 at pinaslang sa loob ng Camp Crame.
Bukod sa pagkakabuwag sa PNP-AIDG ay pansamantalang ipinahinto muna ng PNP ang Project Double Barrel at Oplan Tokhang.
Nabatid na si Malayo ay dating na-hostage ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa naganap na Zamboanga siege noong Setyembre 2013.