MANILA, Philippines - Hindi makikisali ang ilang transport group sa welga na isasagawa sa Pebrero 6 ng mga tsuper at operator kaugnay sa planong i-phaseout ang mga jeep.
Kahapon ay nakipagpulong sa tanggapan ng Metropolitan Development Authority (MMDA) ang mga lider ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Pasang Mada, Liga ng mga Tsuper at Operators ng Pilipinas, and Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at ayon sa mga ito wala silang planong sumali sa isasagawang strike ng ilang transport group.
“We will continue serving the public on February 6,” ayon kay Obet Martin, isa sa mga lider ng transport group na mahigit sa 100,000 ang miyembro sa Metro Manila.
Ang naturang strike ay pangungunahan ng transport group Stop and Go, na inaasahang dadaluhan ng 74,000 jeeps libong UV Express, na isasagawa sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Ayon pa sa mga ito, pina-finalize na aniya ang financial assistance o loan scheme para sa mga miyembro sa tulong na rin ng mga operator na makabili ng bagong unit na gagamitin sa pamamasada.
“The government is willing to support us looking for a loan from banks,” dagdag ni Martin.
Samantala, nagkasundo ang MMDA at ang transport leader, na maglagay ng jeepney stops mula Commonwealth Avenue sa Quezon City hanggang España Boulevard sa Maynila.
Sinabi ni MMDA Officer-In-Charge (OIC) at General Manager Tim Orbos, ang Commonwealth-España ay ang isa sa pinakamabigat nilang konsentrasyon pagdating sa mga jeep, na karamihan sa siniserbisyuhan ng mga ito ay ang mga estudyante at mga manggagawa.
Sabi ni Orbos ang naturang proyekto ay hindi lamang magiging kombinyente sa mga commuter, makakaluwag din aniya ito ng daloy ng trapiko sa mga motorista at sa pamamagitan aniya nito ay madidisiplina ang mga ito.