NBI clearance gawing ‘multi-purpose use’ - Alvarez
MANILA, Philippines – Pinababago ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iisyu ng NBI clearance para hindi na mahirapan ang publiko sa pagkuha nito.
Personal na ipinatawag ni Alvarez sa kanyang tanggapan si NBI Director Dante Gierran dahilan sa pagkadismaya bunsod sa natatanggap na reklamo kaugnay sa pagkuha dito ng clearance.
Ipinaliwanag ng lider ng Kamara kay Gierran na ang clearance na iniisyu ng Kagawaran ay dapat “multi purpose use” o kahit saan maaaring gamitin tulad ng aplikasyon ng pasaporte, lisensya sa baril o pag-a-apply ng trabaho.
Giit ni Alvarez na kung balido ang NBI clearance para sa iba’t ibang purpose o paggagamitan ng isang aplikante nito ay mababawasan ang problema sa mahabang pila sa NBI.
Bukod dito inoobliga din ng Speaker ang NBI na mag-computerize na ng sistema at ikonekta ito sa mga korte para mapabilis ang pag-update ng record ng isang tao.
Mahirap umano ngayon na kahit matagal nang nadismis ang kaso ng isang indibidwal ay hindi agad nabubura sa records ng NBI kaya dagdag problema pa ang pagpunta sa korte para kumuha ng hiwalay na clearance
Bukod pa rito, masyado din umanong mabigat ang pagkakaroon ng kaparehong pangalan na may kaso sa korte gayung kung computerize ang NBI ay madali na ang clearance base lamang sa litrato at fingerprints ng isang aplikante.
- Latest