MANILA, Philippines – Pinalagan kahapon ni Supt. Raphael Dumlao, isa sa mga iniimbestigahan sa tokhang for ransom ang isinilbing warrant of arrest ng mga awtoridad laban sa kanya kaugnay ng kasong pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick-joo.
Ayon kay Dumlao, walang bisa ang nasabing ‘warrant of arrest’ dahilan sa isang alyas “Dumlao” lamang ang nakasaad dito.
Si Dumlao ay itinuro nina SPO4 Roy Villegas at PO2 Christopher Baldovino na siyang team leader ni SPO3 Ricky Sta. Isabel sa pagdukot at pagpatay kay Ick-joo.
Ang opisyal at ang iba pang isinasangkot sa krimen ay kasalukuyang nasa ‘restricted custody’ sa Camp Crame na nasa ng ilalim ng pagbabantay at pangangasiwa ng Headquarters and Support Group (HSS).
Sinasabing pasado alas -12 ng madaling araw nitong Sabado habang isinisilbi ang nasabing warrant of arrest ay pumalag si Dumlao at humingi ng tulong sa isang tv network na magko-cover sana sa pag-i-isyu ng warrant na tumanggi namang isakay sa kanilang behikulo ng kontrobersyal na opisyal.
Dahil dito ay pumara ng taxi si Dumlao at tumuloy sa kanilang tahanan sa Antipolo City kung saan muling isinilbi ang ‘warrant of arrest’ pero tumanggi ang opisyal na kilalanin ito. Isang opisyal na nakilala namang si Sr. Supt. Benjamin Nacorda ang nag-escort umano kay Dumlao.
Nang hingan naman ng paliwanag si Atty. Dennis Wagas, legal officer ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), sinabi nito na naka-pending pa ang isinampa nilang ‘supplementary complaint’ sa Department of Justice (DOJ) para ilagay sa warrant of arrest ang buong pangalan ng akusado.
May isyu ng teknikalidad sa nilalaman ng warrant of arrest na isinilbi kay Dumlao kaya hindi ito naaresto.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa pag-amin na siya ay naniniwala na hindi maaaring tanggapin ang warrant of arrest na isinisilbi ng Philippine National Police (PNP) kung wala naman ang kaniyang pangalan dahil ang nakalagay lamang ay “Mr. Dumlao”.
Ikinokonsidera ang technical issues upang huwag masayang ang anumang kaso.