MANILA, Philippines - Namatay ang isang magsasaka matapos itong malunod sa rumaragasang ilog sa Penablanca, Cagayan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Toto Ulahis, 33, magsasaka, at residente ng naturang lugar.
Base sa report ng pulisya, sinubok umano na abutin ng biktima ang inanod na kabiyak ng tsinelas nito nang mapadaan ito sa Pinacanauan River. Dahil sa lakas at bilis ng agos ng ilog ay natangay ang biktima at namatay sa pagkakalunod.
Nakita na lamang umano ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa ilog ng mga rumespondeng residente matapos itong malunod.
Ang paglaki ng ilog sa nasabing bayan ay bunsod ng tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan sa lalawigan.