MANILA, Philippines - Handa umanong ipangutang ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang P10 milyon na reward kung mapapatunayan ni Pangulong Duterte na may dalawa siyang asawa.
Ito ang hamon ni Bacani kay Duterte hinggil sa alegasyon nito na dalawang babae ang kanyang naging asawa.
“Unang-una saan nakuha ng presidente yun? Alam mo, kung makapag-produce ang presidente ng kahit na isang asawa ko, bibigyan ko siya ng limang milyong piso. Kahit mangutang ako, kung maka-produce siya ng dalawa, makaka-sampung milyon ang presidente natin,” ani Bishop Bacani.
Pinaalalahanan naman ni Bishop Bacani ang Pangulong Duterte na maghunos-dili at huwag niyang lalabanan ang katotohanan sa pamamagitan ng kasinungalingan at paninira sa kapwa.
Pinayuhan pa ni Bishop Bacani ang punong ehekutibo na huwag niyang pababain ang tingin ng taongbayan sa presidente ng Pilipinas na naniniwala sa maling tsismis.
Nagsimula ang akusasyon ng Pangulong Duterte kay Bishop Bacani matapos kuwestiyunin ng Obispo ang tumataas na bilang ng “death under investigation” na umaabot na sa mahigit 4-libo kaugnay ng pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.