^

Bansa

Pinay binitay sa Kuwait!

Ellen Fernando - Pilipino Star Ngayon
Pinay binitay sa Kuwait!
Kinumpirma ni Fo­reign Affairs Spokesman Charles Jose na isinagawa ang pagbitay sa OFW na si Jakatia Pawa, 39-anyos, tubong Zamboanga, nitong Miyerkules ng hapon sa Kuwait sa kabila ng pagsusumikap ng kanyang pamilya at pamahalaan na sagipin ang kanyang buhay.
File photo

MANILA, Philippines – Natuloy na kahapon ang pagbitay sa Pinay na nasa death row dahil sa pagkakapatay umano nito sa anak ng kanyang amo sa Kuwait noong 2007.

Kinumpirma ni Fo­reign Affairs Spokesman Charles Jose na isinagawa ang pagbitay sa OFW na si Jakatia Pawa, 39-anyos, tubong Zamboanga, nitong Miyerkules ng hapon sa Kuwait sa kabila ng pagsusumikap ng kanyang pamilya at pamahalaan na sagipin ang kanyang buhay.

“We have exerted different efforts through the embassy and political departments. “We respect the decision of the justice system of Kuwait,” ayon kay Jose.

Sinabi ni Jose na dakong alas-10:19 ng umaga, oras sa Kuwait o alas-3:19 ng hapon kahapon (Manila time) nang bitayin si Pawa.

Naunang ipinarating ng Sulaibiya Prison officials sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait nitong Martes ang gagawing execution kay Pawa sa pamamagitan ng “death by hanging.”

Sinabi ni Jose na ti­nang­gihan ng pamilya ng biktima ang alok na blood money ng pamilya Pawa at nahirapan ang Embassy na makakuha ng “letter of forgiveness” o tanazul sa paninindigan nila na buhay ang inutang, buhay rin ang kabayaran.

Sa sinusunod na Islamic rules ng Kuwait, ilili­bing ang mga labi ni Pawa sa Kuwait matapos ang pagbitay.

Si Pawa na nagtrabaho ng limang taon sa Kuwait ay inakusahan ng 22 beses na pagsaksak at pagpatay sa 22-anyos na anak na babae ng kanyang amo habang natutulog noong Mayo 2007 at nahatulan ng bitay ng Kuwait of First Instance.

Sa kabila ng mga apela at paglaban sa korte, pinagtibay ng Court of Cassation noong 2013 ang parusang bitay kay Pawa na desisyon ng mababang hukuman noong 2008.

Nanindigan naman ang pamilya Pawa na walang kasalanan si Jakatia dahil ang totoong nakapatay sa dalagang Kuwaiti ay ang amo nito matapos na maaktuhan ang anak na nakikipag-sex sa kanilang kapitbahay.

Bago ang pagbitay, dinala si Jakatia sa solitary cell na may dalang unan at kumot at isang Qu’ran. Binigyan din siya ng cellphone at call cards upang makontak ang kanyang pamilya sa Pilipinas.

Sinabi ni Air Force Lt. Col. Angaris “Gary” Pawa, na ipinabatid sa kanila ang gagawing pagbitay sa kanyang kapatid na si Jakatia kahapon sa pamamagitan lamang ng tawag sa telepono o cellphone.

“Magpapaalam ako. Kuya, huwag mong paba­yaan dalawang anak ko, bukas bibitayin na ako. Yun lang mahihingi ko sa iyo,”ang huling tawag at habilin ni Jakatia sa kanyang pamilya sa Pilipinas bago siya bitayin.

Sa kabila na masama ang loob ng pamilya Pawa at isinisigaw na frame-up ang nangyari kay Jakatia, hiniling nila sa Kuwaiti government na mabigyan nang maayos na libing ang mga labi ng huli sa Kuwait.

Bibigyan naman ng Overseas Workers Welfare Administration ng full scholarship ang dalawang naiwang anak ng Pinay na binitay.

Bukod kay Pawa ay hi­natulan ding mabitay ang ilang nasa death row na kinabibilangan ng Kuwaiti, Ethiopian, 2 Egyptians, Bangladeshi at Shaikh Faisal Al Abdullah na anak ng isang royal family. (May ulat ni Rudy Andal)

 

FO­REIGN AFFAIRS SPOKESMAN CHARLES JOSE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with