MANILA, Philippines - “Resign Bato!”
Ito ngayon ang kumakalat sa social media mula sa mga nagngingitngit na netizens laban kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa.
Ito’y matapos aminin mismo ni dela Rosa na sa Camp Crame pinaslang ng mga scalawags na pulis ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ang kinidnap na South Korean trader na si Jee Ick-joo.
“It’s a biggest blunder ever, na-overshadow ang anti-drug campaign ng PNP, dapat on the issue of command responsibility, mag-resign na si Chief Bato,” anang isang Anna Marie sa kaniyang twitter account.
Nitong Huwebes ay nanlulumong sinabi ni dela Rosa na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang na hiyang –hiya siya at matutunaw sa matinding kahihiyan matapos na ikanta ni SPO4 Roy Villegas na sa loob mismo ng compound ng Camp Crame pinaslang ang biktima.
Si SPO3 Ricky Sta. Isabel na una nang sumuko at nagpasailalim sa kustodya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong nagbalot ng plastic sa ulo at sumakal sa biktimang Koreano.
Si Ick-joo ay kinidnap ng grupo ni Sta. Isabel sa bahay nito sa Angeles City matapos magsagawa ng pekeng anti-drug operations noong Oktubre 18, 2016.
Sa testimonya ni Villegas, dinala si Ick-joo sa Camp Crame at pinatay sa likuran ng tanggapan ng PNP-Community Relations Group malapit sa PNP Press Corps Office at may 100 metro lamang ang layo sa PNP National Headquarters kung saan nag-o-opisina si dela Rosa.
Upang maisalba naman sa kahihiyan si Pangulong Duterte dulot ng sunod-sunod na kontrobersiya na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng PNP, pinagbibitiw na rin ni House Speaker Pantaleon Alvarez si dela Rosa.
Sinabi ni Alvarez na ang ginawang krimen sa mismong “tungki” ng ilong ni dela Rosa ay hindi lamang insulto kundi malinaw na indikasyon na walang respeto mismo ang mga tao niya sa kanya.
Nakahanda namang mag-resign si dela Rosa kung iuutos ito mismo ni Pangulong Duterte.
“Aalis ako kung si Presidente ang mag-uutos, hindi na nga ako natutulog sa pagtatrabaho how can you (critics be cruel to me,” pahayag ng PNP Chief.
“Humihingi po kami ng pang-unawa sa netizens, one Sta. Isabel doesn’t represent the entire organization,” pahayag naman ni PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos na sinabing higit pa ring nakararami ang matitinong pulis na sinisira lamang ng isang bugok na itlog na tulad ni Sta. Isabel. (Dagdag ulat ni Gemma Garcia)