Pari, obispo hinamong mag-shabu Digong ‘di na mag-iingay sa Martial Law

MANILA, Philippines - Hindi na mag-iingay si Pangulong Duterte kung may plano man siyang magdeklara ng Martial Law.

“I will not declare Martial Law, at kung magdi-declare man ako ng Martial Law di ako mag-iingay,” ayon sa Pangulo sa ika-20 anibersaryo ng Premiere Medical Center sa Cabanatuan City.

Aniya, sakaling idek­lara niya ito na pinapayagan naman ng Konstitus­yon at magkaroon ng banggaan ang Kongreso at Korte Suprema sa usapin kung dapat palawigin pa ang idineklarang Martial Law ay sino ang dapat magdesisyon? Walang iba kundi ang Presidente,” wika ng Pa­ngulo.

Kinuwestyon din ni Duterte ang constitutional safeguards laban sa pagdedeklara ng Martial Law ng isang pangulo. Nagbabala lamang daw siya sa panganib na nakapaloob sa safeguards sa Konstitusyon sa pagdedeklara ng batas militar.

Aniya, tama ang military na walang compelling reason para magdeklara ngayon ng Martial Law pero dapat alalahanin ng taumbayan na mabilis na kumakalat at nakakalason sa isipan ang grupong ISIS sa Mindanao.

“ISIS is very cruel. I don’t know what drives them crazy. ‘Yan ang de­likado. Di pa dada­ting ‘yan,” dagdag pa ni Duterte.

Iginiit din nito na hindi siya natatakot sa mga bantang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto dahil sinabi nitong hindi naman siya masaya sa pagiging pangulo.

“I do not need it (presidency) at this time of my life,” wika pa nito.

Aniya, ang hindi lamang niya matanggap na ginawang alipin ng illegal drugs ang ating bansa kaya inilunsad niya ang giyera kontra illegal drugs.

Hinamon din niya ang mga pari, obispo na kung kaya nitong resolbahin ang problema sa illegal drugs ay handa siyang bumaba sa puwesto kaysa atakihin ang isyu ng extra judicial killings dahil batid naman ng mga ito ang tunay na problema sa illegal drugs pero mas pinili na atakihin siya sa EJKs.

Inanyayahan pa ng Pangulo ang mga pari na subukan nitong gumamit ng shabu para malaman nila ang masamang dulot ng illegal drugs.

Ibinulgar pa ni Duterte na marami siyang kilalang pari na 2-3 ang asawa kaya huwag daw maging ipokrito ang mga taong Simbahan na ito.

Aniya, hindi kaila sa lahat na marami ang yumaman sa illegal drugs, marami ang naging milyonaryo at bilyonaryo.

Inihalimbawa nito si retired Gen. Vicente Loot na alkalde ngayon sa Daan Bantayan, Cebu na mayroong asset na higit sa P100 milyon na nakuha daw sa pagnenegosyo pero hindi pinaniniwalaan ng Pangulo. Si Loot ay isa sa narco generals na pinangalanan ni Duterte.

Show comments