MANILA, Philippines - Isinusulong ng isang kongresista ang muling pagpapatupad ng 3-digit number coding scheme at pag-aalis na rin ng window hour sa mga araw ng Sabado at Linggo.
Sinabi ni House Minority leader Danilo Suarez, na kukumbinsihin niya ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad na ng regular ang 3-digit number coding scheme at alisin ang window hour sa tuwing weekend.
Ang nasabing scheme ay pinaiiral ng MMDA noong holiday season para mabawasan ang traffic base na rin sa naging suhestyon ni Suarez.
Paliwanag ng kongresista, tapos na ang holiday season subalit nananatiling mabigat ang traffic sa Metro Manila.
Plano rin ni Suarez na kausapin ang pinuno ng MMDA na si Thomas Orbos para isulong muli ang nasabing scheme.
Iginiit ng mambabatas na kung gusto ng gobyerno na malutas ang 30% hanggang 50% ng traffic ay kailangan na nitong gumawa ng ganito kabibigat na hakbang.
Maging ang weekend umano ay hindi dapat na paligtasin sa ganitong mga scheme dahil mas malala na ngayon ang traffic tuwing Sabado at Linggo.