Biker na lolo, durog sa trak

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na pagkasawi ang inabot ng isang lolo makaraang makaladkad siya ng isang trak matapos na mabundol habang sakay ng kanyang bisikleta, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

Nagtamo ng malulubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si ­Adriano Chavez Racal, 72 at naninirahan sa Block 3 Lot 2 Phase 3, Caloocan City.

Tinangka pang tumakas ngunit naaresto rin ng mga awtoridad ang drayber na si Crispin Macalisang Campos, ng  Purok 2 Batucan, Talacogon, Agusan Del Sur.

Base sa ulat ng Navotas City Police, nagbibisikleta si Racal sa may C-3 Road Brgy. North Bay Boulevard South dakong alas-12:20 ng hapon nang mabundol ng isang Isuzu truck (UVR 984) na minamaneho ni Campos.

Sa halip na huminto, nagpatuloy sa pag-andar ang trak sanhi para pumailalim ang biktima at ang kanyang bisikleta at makaladkad. Naisugod pa sa Tondo Medical Center ang biktima ngunit pumanaw rin dakong alas-7 ng gabi.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek na si Campos.

Show comments