MANILA, Philippines - Nakatuon ngayong taon ang kampanya ni top performing Quezon City councilor Karl Castelo sa iligal na droga gamit ang pagsusulong ng edukasyon at trabaho.
Naniniwala si Karl na mababawasan ang paglaganap ng krimen sa bansa kung mabibigyan ng hanapbuhay at kaalaman ang maraming Pilipino.
Ayon kay Karl, ang kawalan ng trabaho at edukasyon ang isa sa dahilan kung bakit kumakapit sa patalim ang mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Karl na hindi sapat ang matigas na pamamaraan ng pamahalaan sa pagsupo ng ipinagbabawal na gamot. “We need to address one of the causes of criminality and that is poverty. Poverty can be solved by education and livelihood,” ani Karl.
Para sa 2017, magsasagawa ng mas madalas at mas malawak na livelihood training at jobs fair si Karl sa iba’t-ibang bahagi ng Novaliches partikular sa mahihirap na komunidad.
Sa kanyang pakikipagtulungan sa Technological Education and Skills Development Authority (TESDA) at employers mula sa pribadong sector, ipagpapatuloy ni Karl ang pagbibigay ng libreng pagsasanay kung paano magkaroon ng pagkakakitaan ang kayang mga nasasakupan sa Novaliches. Marami rin umanong oportunidad na makukuha ang mamamayan sa tinatayang malakas na ekonomiya ng bansa.
Si Karl ang nasa likod ng mga matagumpay na skills training programs na pinakinabangan ng maraming pamilya sa district 5. Siya rin ang nagpatupad ng mga scholarship program na naging daan upang makapag-aral ang mga walang pambayad ng matrikula.