Chairmanship ng Pinas sa ASEAN 2017, inilunsad

Tinanggalan ng tabing nina Pangulong Duterte at PhlPost Postmaster General Joel Otarra ang commemorative stamp sa ginanap na paglulunsad ng chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN 2017 na ginawa sa SMX Convention Center sa Davao City kahapon.
Krizjohn Rosales

MANILA, Philippines - Pormal nang inilunsad ng Pilipinas ang pagi­ging chairman nito sa nakatakdang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nga­yong 2017 na gaganapin sa bansa.

Sa harap ng 10-member countries at may 1,000 katao na dumalo sa launching na may temang Partnering for Change, Engaging the World” sa SMX Convention Center sa Davao City kahapon, hinimok ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang mga lider ng mga bansa na magtulungan para makamit ang vision ng nasabing regional organization.

Nangako rin si Duterte na kanyang isusulong ang maritime security at rule of law sa South China Sea kasabay ng panawagan nito sa ASEAN state members at dialogue partners na panatilihin ang kanilang commitment sa rule of law at kapayapaan sa nasabing rehiyon.

Tiniyak din ng Pa­ngulo na paiigtingin pa ng Pilipinas ang kooperasyon nito sa mga partner na bansa para sa seguridad, katatagan, pag-unlad at mapayapang pamumuhay ng mga mamamayan sa Asya.

Bago ang talumpati ng Pangulo, nagbigay ng kanyang opening remarks si Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr. at inihayag ang layunin ng summit kabilang na ang mga hakbang sa pagpapalago ng ekonomiya, pag-unlad ng mamamayan, usapin sa kalusugan at iba pang layunin tulad ng pagsusulong para sa ASEAN drug free region.

Show comments