Korean ship captain, Pinoy crew pinalaya na ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong buwang pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang hostage ng mga itong Korean ship captain at tripulanteng Pilipino  sa Barangay Kagay, Indanan, Sulu nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ni Armed Forces  of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla  ang mga pinalayang bihag na sina Park Chulhong, kapitan ng M/V Dong Ban Giant at ang tripulanteng Pinoy nitong si Glenn Alindajao.

Bandang alas–7:00 ng umaga nang pakawalan ng mga kidnappers  sa pamumuno ni Abu Sayyaf Commander Al Bagade alyas Sayning Ivo ang mga bihag sa kuta ng mga ito sa Camp  Bakud sa kagubatan ng Barangay Kagay.

Nabatid naman sa mga impormante na nakatulong nang malaki sa pagpapalaya sa mga bihag sina Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Abraham Joel at Adon Adak na siya namang naghatid sa mga pinalayang bihag sa tahanan ni dating Sulu Governor Abdusakur Tan.

Si Tan ang nag-turn over sa mga bihag kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na dumating sa lugar lulan ng Learjet dakong alas -7:45 ng umaga upang sunduin ang mga bihag.

Bandang alas-11:15 ng umaga nang umalis si Dureza sa paliparan ng Jolo, Sulu lulan ng Learjet tail number RP C1432 patungong Davao City upang iprisinta ang mga pinalayang bihag kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinasabing nagbayad umano ang pamilya ng mga bihag ng P25 milyon sa mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng mga ito. Gayunman, ayon kay AFP Western Mindanao Command Spokesman Major Felimon Tan, patuloy nilang beneberipika ang bagay na ito.

Inihayag ni Tan na ang mga biktima ay binihag ng mga bandido matapos atakehin ang Korean vessel  M/V Dong Bang Giant 2, 11,400 ton heavy load carrier  na sinasakyan  ng  kapitan at 20 pa nitong tripulante  noong Oktubre 20, 2016 sa karagatan ng Bongao, Tawi-Tawi kung saan ang  mga bihag ay dinala at itinago sa Sulu.

Nabigo naman ang mga armadong kidnappers na nagpakilalang mga miyembro ng Abu Sayyaf na matangay  ang iba pa sa mga  kasamahan ng dalawa matapos ang mga itong magsipag-padlock ng kanilang mga cabin.

Idinagdag pa ni Tan na sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang search and rescue operations upang mapalaya ang iba pang nalalabing mga bihag.

Samantala, iniharap kahapon din ni Presidential Adviser on the Peace Process Jess Dureza sa isang press briefing sa Davao City ang pinala­yang mga bihag.

Ayon kay Dureza, hindi pa nila masabi kung Abu Sayyaf  o hindi ang mga responsible sa krimen.

Wala pa rin aniyang nakikilalang suspek dahil puro “unidentified” o hindi matukoy ang mga ito.

Ayon pa kay Dure­za, ipinaalam na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ni presidential assistant Bong Go ang pagpapalaya sa dalawa.

Sinabi pa ni Dureza na agad ring ililipad patu­ngong Maynila ang dalawa dahil hindi maayos ang kanilang pakiramdam bagaman at nais nang umuwi sa Cebu ni Alindajao.

Show comments