Transport groups, nagkaisa vs excise tax
MANILA, Philippines - Nilagdaan kahapon ng umaga ng iba’t ibang lider ng transport groups ang isang team unity manifesto na layong hilingin kay Pangulong Duterte na huwag aprubahan ang P6.70 dagdag na excise tax sa langis at atasan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bilisan ang pag-aksiyon sa mga aplikasyon sa ahensiya.
Ang pagkakapit bisig ng naturang mga grupo ang kauna-unahang pagkilos sa kasaysayan ng transport sector nang magtagpo-tagpo sa QC mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“First time na pagyayari ito, jeepney, taxi, bus, truck, school bus, tourists bus, provincial, UV at vans, nagsama-sama ang lahat Luzon, Visayas, Mindanao pati mga regional leaders laban sa isang isyu ang excise tax at mabagal na proseso at corruption,” pahayag ni Atty. Vigor Mendoza, chairman ng Kilusan ng Pagbabago sa Industriya.
Sinabi ni Mendoza na ang nilagdaang manifesto ay agad na ipagkakaloob kay Pangulong Duterte, Senate President Koko Pimental at Speaker Pantaleon Alvarez para sa kaukulang aksiyon.
Una nang nagbanta ng tigil pasada ang naturang mga grupo oras na hindi kumilos ang pamahalaan sa kanilang kahilingan.
“Target namin end of January o 1st week ng February gawin namin ang nationwide transport strikes kung talagang hindi kami harapin at kausapin ni Chairman Martin Delgra at ayusin ang proseso ng aming mga papeles,” pahayag ni FEJODAP national president Zeny Maranan.
- Latest