MANILA, Philippines – Nakakasiguro si Sen. Leila de Lima na kabilang siya sa nais umanong ipapatay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna nang tuloy-tuloy na kampanya nito laban sa ilegal na droga.
Ayon kay de Lima, kung may masamang mangyayari sa kanya ay walang ibang responsable dito kung hindi ang Pangulo.
“And I’m making him responsible if something happens to me. Take my word, or note my word: if something happens to me, he (Duterte) is the one responsible, directly or indirectly dahil ginagawa nila akong ano eh...paulit-ulit nila akong dine-demonize,” ani De Lima.
Sinabi pa ni de Lima na kahit pa sinabi ng Pangulo na wala siyang inuutusan kahit na isang pulis na patayin siya, lumalabas kabaliktaran ang gusto niyang mangyari.
Inulit pa ni de Lima ang bahagi ng talumpati ng Pangulo kung saan nabanggit nito ang kanyang pangalan matapos magbabala na mamatay ang mga mayors na sangkot sa droga na hindi magbibitiw sa kanilang posisyon.
“Basta sumunod lang. Go out and hunt for them. Arrest them if still possible. If not, then, if it presents a danger to you, puts up a violent resistance, jeopardizing your life, shoot. That has always been my order… Magtanong ka ng isang pulis dito, kung may sinabi ako na patayin mo yang si De Lima…” bahagi ng talumpati ng Pangulo na binasa ni de Lima
Sinabi pa ni de Lima na masyadong nakakapag-alala na ang nasabing bahagi ng talumpati ng Pangulo at itinuturing na niya itong isang malaking banta.
Kaugnay nito, sinabi ni de Lima na balak na niyang magpasaklolo sa Supreme Court para sa kanyang kaligtasan.