MANILA, Philippines – Plano ni House Speaker Pantaleon Alvarez na gayahin ang isang foundation ng mga pari na kumakalinga sa mga batang lansangan.
Ayon kay Speaker Alvarez, palalawakin nila sa buong bansa ang nasabing proyekto matapos itong bumisita sa Tuloy Foundation na itinatag ni Fr. Marciano “Rocky” G. Evangelista ng Salesians of Don Bosco sa 4.5-hectare Tuloy sa Don Bosco Streetchildren Village sa Elsie Gaches Village Compound na matatagpuan sa Alabang, Muntinlupa City.
Katulad din umano ng ito ng adbokasiya ni Pangulong Duterte na mailigtas at mailayo sa paggawa ng krimen at iligal na droga ang mga kabataan.
Inihalintulad din ito ni Speaker sa programa ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas Bayan (PDP-Laban) kung saan pinapakain nila ang may 50-70 street children sa Cubao, Quezon City araw araw sa “Duterte’s Kitchen”.
Wika pa ni Alvarez, kaisa sila sa Mababang Kapulungan para sa pagsusulong ng ganitong mga programa na itinuturing nilang commitment tungo sa pag-unlad sa bansa.
Dahil dito ay ikakalat nila Alvarez ang naturang foundation sa buong bansa upang mas maraming kabataan pa ang matulungan ng pamahalaan sa pakikipagtulungan na rin ng Simbahan.
Sa kasalukuyan ay nasa 17,000 mga homeless children na ang natutulungan ng Tuloy Foundation at meron na itong mga sangay sa Laguna, Alabang at Pampanga.