MANILA, Philippines – Upang maging free traffic at cleaner road ang buong Metro Manila ngayong 2017, plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang pagpapatupad ng “No Window Hours Policy” sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o Number Coding, “No Weekend Sales” sa mga shopping mall at iba pang programa ng ahensiya na may kaugnayan sa traffic discipline.
Sa pahayag kahapon ni MMDA Officer-In-Charge (OIC) at General Manager Tim Orbos, kakausapin pa nila ang pamunuan ng Metro Manila Council (MMC) para sa plano nilang pagpapalawig ng implimentasyon ng naturang traffic scheme.
Kung saan sa darating na mga susunod na araw ay magpupulong ang MMC para pag-usapan ang mga programang ipatutupad ngayong 2017 na may kaugnayan sa trapik.
Nabatid na noong Oktubre 14, 2016 sinimulang ipinatupad ng MMDA sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila kabilang ang EDSA ang “No Window Hours Policy” at hanggang Enero 31, 2017 ito.
Samantalang, ang “No Weekend Sales” ay ipinatupad sa mga shopping mall simula noong Oktubre 21, 2016 hanggang Enero 9, 2017.
Ayon kay Orbos, sakali aniyang aprobahan ng MMC, ang naturang traffic scheme, palalawigin nila aniya ang implimentasyon ng mga ito sa Metro Manila.
Nabatid kay Orbos, na ngayong 2017, nais nilang maging free traffic at cleaner road ang buong Metro Manila.
Bukod sa apat, siyam pa na areas ang bubuksan ng MMDA bilang altenatibong ruta ng mga motorista upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan tulad ng EDSA.
Nabatid, na noong nakaraang 2016, binuksan sa mga motorista, ang Camp Aguinaldo, Bonifacio Naval sa Taguig City, Veterans Memorial Medical Center (VMMC) at Jupiter St., sa Brgy. Bel-Air Village, Makati City.