Suhulan sa BI pinaiimbestigahan ni de Lima

MANILA, Philippines - Naghain kahapon ni Sen. Leila de Lima ang isang resolusyon na naglalayong paimbestigahan sa Senate blue ribbon committee ang kontrobersiyal na suhulan na nangyari sa Bureau of Immigration (BI) kung saan sangkot ang Chinese businessman na si Jack Lam at ilang opisyal ng ahensiya.

Ang sinasabing suhulan ay para umano sa pagpapalaya ng nasa 1,316 na Chinese workers sa casino ni Lam sa Pampanga.

Ayon kay de Lima, dapat lamang malaman kung ano ang totoong nangyari sa sinasabing bribery scandal na maa­ring magamit sa paggawa ng batas.

Napaulat na tinanggap ng mga opisyal ng BI ang limang paper bags na diumano’y naglalaman ng P10 milyon bawat isa o kabuuang P50 milyon mula sa middleman ni Lam na si dating police officer Wally Sombero, sa City of Dreams Hotel and Casino sa Parañaque City na nakunan naman sa CCTV.

Sinabi pa ni de Lima na kung totoo na tinangka rin umano ng ng kampo ni Lam na suhulan din si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II kapalit ang proteksiyon sa mga gambling interests nito sa Pilipinas, dapat ay ipina-aresto na kaagad ang gambling magnate.

“Aguirre himself admitted that he was offered the amount of P100 million a month by Chinese gambling magnate Jack Lam in exchange for the protection by Aguirre of his gambling interests in the Philippines,” ani de Lima.

 

Show comments