Seguridad sa Nazareno tiniyak
MANILA, Philippines – Kaysa matakot sa umano’y banta ng terorista, hinikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng mga deboto na lumabas at tuparin ang kanilang mga “panata” para sa “Traslacion” ng Itim na Nazareno ngayong araw.?
“Hindi sila dapat na matakot sa mga ulat na posibleng pag-atake ng terorista dahil ito ang pagnanais ng mga terorista,” ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgard Arevalo kahapon.
Tiniyak din ng opisyal sa mga deboto na ang security forces ay nakahanda para sa pagpapatupad ng seguridad sa mga mananampalataya na dadagsa sa lugar ng “Pahalik” at “Translacion”.
“Magtiwala lang sila na ang kanilang security forces ay naroon sa kanilang lugar, at tinitignan sila sa buong selebrasyon,” dagdag ni Arevalo.
Sinabi ni Arevalo na ginagawa ng security forces ang lahat para maging maayos, mapayapa ang nasabing religious activity.
Gayunman, hiniling ng opisyal sa mga deboto ang kanilang suporta at kooperasyon sa kanilang security forces sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning ipinapatupad tulad ng hindi pagdala ng backpacks, armas, matutulis na bagay, drones, pagtatapon ng basura, at iba pa.
Bukod pa dito, magsilbi din anya ang mga deboto bilang karagdagang mata, tenga, at force multiplier para higit na dagdagan ang bilang ng mga military at police personnel sa pamamagitan ng pag-obserba sa mga may kahina-hinalang kilos, mga mag-iiwan ng gamit na walang tumitingin, o mga dumadalo na lumalabag sa tuntunin ng mga establisimyento.
Agad anya nilang ireport ang mga ganitong bagay na makita sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o nakaunipormeng security forces.