MANILA, Philippines – Apat na pinaghihinalaang ‘tulak’ ng droga ang napatay habang dalawa pa ang nakatakas sa isinagawang serye ng buy bust operation sa Quezon City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt Guillermo Eleazar ang mga nasawing suspect na sina John Patrick Palculan, alyas Louie, 30 , ng Brgy. Holy Spirit; Christopher Malanum, alyas Topher, 24 , ng Brgy. Sauyo; Jeffrey David, alyas Jeff Tattlo, 25 at Edgar Mendoza, alyas Edgar, ng Brgy. E. Roriguez, Cubao; pawang sa lungsod na ito.
Ang mga suspek ay pawang nasa drug watchlist ng pulisya at mga notoryus na ‘tulak’ ng droga sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Eleazar, patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na sina alyas Toto at Ngongo.
Bandang alas-2 ng hapon kamakalawa nang isagawa ang unang buy-bust operation ng mga elemento ng Police Station 6 laban kay Palculan sa tahanan nito sa Brgy. Holy Spirit pero nakatunog ang suspek na agad bumunot ng baril na nauwi sa ilang minutong putukan na ikinasawi nito.
Samantalang dakong alas – 8:40 naman ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang Police Station 4 laban sa mga suspek na sina Toto at Ngongo sa #135 Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches ng lungsod kung saan kumasa ang mga suspek nang matunugan ng mga operatiba ang kanilang ka-deal sa bentahan ng shabu.
Nasapul sa palitan ng putok si Malanum na idineklarang dead on arrival sa Novaliches District Hospital habang patuloy namang pinaghahanap ang dalawa nitong nakatakas na kasamahan.
Bandang alas–11:30 naman ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang Police Station 5 sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City na nauwi rin sa shootout na ikinasawi ng suspek na si David.
Sa isa pang operasyon ay napatay naman ang suspek na si Mendoza sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City nang mauna itong magpaputok ng baril sa mga operatiba matapos na matunugang nahulog siya sa bitag.