Ronnie Dayan kinasuhan ng liderato ng Kamara
MANILA, Philippines — Kinasuhan ni Speaker Pantaleon Alvarez at ng dalawa pang mambabatas ang dating driver at bodyguard ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig ng Kamara.
Sa isinampang reklamo nina Alvarez, Majority Leader Rodolfo Fariñas at justice committee chair Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali sa Department of Justice kahapon ay sinabi nilang nilabag ni Dayan ang Article 150 ng Revised Penal Code sanctioning "disobedience to summons."
Anila, inamin ni Dayan na hindi niya talaga sinipot ang pagdinig ng House committee on Justice sa paglaganap ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
"He was induced by Sen. Leila M. de Lima through his daughter, Ms. Hannah Mae Dayan via SMS, to remain in hiding and not to appear in the Congressional Inquiry. Such explanation is clearly unjustified," nakasaad sa reklamo.
Matagal din nagtago si Dayan bago nahuli nitong Nob. 22, 2016 sa bisa ng arrest warrant.
Dalawang araw ang lumipas ay sumalang siya pagdinig at inamin na inutusan siya ni De Lima na huwag dumalo sa Kamara.
Nitong nakaraang linggo ay sinampahan din ng kaparehong kaso ng liderato ng Kamara si De Lima.
- Latest