MANILA, Philippines – Umaabot na sa 71 lalawigan sa bansa ang nalinis na sa hanay ng karahasang inihahasik ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa ulat nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng ika-81 taong anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan na maituturing na ‘conflict manageable“ at handa na sa pagsulong ng kaunlaran ang mga lalawigang nalinis sa matitinding karahasan at terorismo na inihahasik ng mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Año, sa taong 2016 lamang ay nasa anim pang probinsya ang naideklarang kontrolado na ang communist insurgency na kinabibilangan ng Agusan del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Sur, Compostela Valley, Quezon at Occidental Mindoro.
Sinabi ni Año na sa pagdiriwang ng AFP anniversary ay kanilang maipagmamalaki ang patuloy na tagumpay sa misyong maipatupad at mapanatili ang matibay na alyansa para sa ikatatamo ng kapayapaan.
Idinagdag pa ng opisyal na ipagpapatuloy nito ang pagharap sa mga hamon para higit pang mapatatag ang AFP.