SWS: Nasisiyahan kay Duterte sa Mindanao nabawasan
MANILA, Philippines – Napanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang “very good” na net public satisfaction rating sa ikaapat na quarter ng 2016 sa kabila ng bumabaong grado niya sa Mindanao.
Sa pinakabagong pagsisiyasat ng Social Weather Stations, nakakuha ng +63 rating si Duterte mula sa 77 percent ng 1,500 respondents ng survey na isinagawa noong Disyembre 3-6.
Kahit nabawasan ng isang puntos kumpara noong ikatlong quarter ay pasok pa rin ito sa kategoryang “very good” ng survey na unang nailathala sa Business World.
BASAHIN: Duterte kabilang sa 74 Most Powerful People ng Forbes
Samantala, 13 percent naman ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa trabaho ng Pangulo, habang 10 percent naman ang undecided.
Mindanao
Ang balwarte pa rin ni Duterte ang pinakamataas na nagbigay ng grado sa kaniya na +74 na isang “excellent” ngunit sila rin ang may pinakamalaking nabawas mula sa +85 na grado nitong Setyembre.
Binigyan naman ng Visayas si Duterte ng +61, habang +60 ang nakuha niya sa Balance Luzon at +59 sa NCR upang makuha ang kabuuan na +63 satisfaction rating.
Ipinaliwanag ni Ramon C. Casiple ng Institute for Political and Electoral Reform sa Business World ang pagbaba ng grado ni Duterte sa Mindanao ay dahil sa hindi pa natutupad na mga pangako.
“Like the peace talks, major reforms na pinangako niya sa Mindanao hangga’t hindi pa nangyayari ‘yan talagang bababa ‘yan,” wika ni Casiple.
- Latest