MANILA, Philippines – Inaasahan na palalayain ni Pangulong Duterte ngayong Kapaskuhan ang mga seriously ill at matatandang political prisoners.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, chairperson ng government peace panel sa NDF talks, kabilang sa palalayain ang 11 presong maysakit at 70 matatandang political prisoners na dati nang ipinangako ni Pangulong Duterte dahil na rin sa humanitarian reasons.
Aniya, ang ibang political prisoners na hinihiling ng National Democratic Front (NDF) na mapalaya ni Pangulong Duterte ay hindi mapapabilang kaagad dito bagkus ay hihintayin muna na mapirmahan ng gobyerno at NDF panel ang kasunduan sa usaping pagkapayapaan.
Posible umanong malalagdaan ng gobyerno at NDF ang bilateral ceasefire agreement sa Pasko.
Sinabi ng Pangulo sa Filipino community sa Cambodia, muling pupunta sa Oslo, Norway si Labor Secretary at government chief negotiator Silvestre Bello III para makipag-usap sa mga counterparts sa NDF at baka iuwi na nito pagbalik sa Pasko ang ceasefire agreement.
Iginiit naman ng Makabayan bloc sa Kamara na palayain ni Pangulong Duterte ang may 134 political prisoners.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, na hindi dapat gawin hostage ang mga political prisoners sa negosasyon dahil ito aniya ay usapin ng social justice.
Sabi ni Zarate, napagkasunduan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF peace panel na may pangako umano ang pamahalaan na palayain ang mga political prisoners.