MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni Sen. Panfilo Lacson na hindi na masusundan ang pagdinig ng Senate Committee on public order and dangerous drugs kaugnay sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sinabi ni Lacson na ilalabas ang report ng committee sa isinagawang imbestigasyon sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na taon.
“Wala na. Sa January (ilalabas ang report). Last day na ngayon eh,” ani Lacson.
Nagsagawa kahapon ng executive session ang komite sa isyu ng pagkamatay ni Espinosa kasama si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at mga kinatawan ng PNP at NBI.
Sinabi ni Lacson na kinailangan nilang magsagawa ng executive session dahil sa mga “classified” na impormasyon at ni-wrap up na rin ang legislative inquiry.
Hiningi rin ni Lacson sa NBI ang kanilang report dahil mas kumpleto ito.
Sinabi pa ni Lacson na mayroon mas matibay na physical evidence tungkol sa kaso at updated na statistics ng mga death under investigation (DUI).
Nangako naman si Aguirre na bibilisan ang pagdinig sa kaso at maging ang preliminary investigation laban sa mga sangkot na pulis sa pagpatay kay Espinosa.
Kaugnay nito, nagpalabas na ng subpoena ang DOJ laban sa 28 pulis na isinangkot sa pagpaslang kay Espinosa at isa pang inmate na si Raul Yap sa sub-provincial jail noong nakalipas na Nobyembre 5.
Itinakda na rin ng five-member panel of prosecutors na pinamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Lilian Doris Alejo sa Disyembre 20 at Enero 18, 2017 dakong alas-10 ng umaga sa DOJ multi-purpose hall, ang preliminary investigation.