Phase-out ng jeepney tuloy – LTFRB
MANILA, Philippines - Itutuloy na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag phase out sa mga kakarag karag at mga luma ng pampasaherong jeep na may edad 15 taon na.
Sa press conference, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na kinakailangan na matanggal na sa pagpasada ang mga lumang jeep upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa riding public.
Tanging ang mga jeep na lamang umano ang hindi pa naisasailalim sa 15 year old phase out ng mga sasakyan at nauna nang isailalim sa modernization program ang mga taxi units, bus units at AUVs.
Sinabi ni Delgra na handa namang tumulong ang ahensiya upang makautang ang mga operator ng jeep sa pagkakatiwalaang bangko upang sila ay makabili ng bagong sasakyan na pampalit sa maapektuhan ng phase out.
“Handa naman kaming tulungan sila hanggat makakaya namin upang hindi naman maapektuhan ng matindi ang kanilang kabuhayan,” paliwanag ni Delgra.
Iniulat din ni Delgra na sa gagawing pag aayos ng mga rumurutang jeep sa bawat lansangan ay aalamin ang kaukulang bilang sa bawat ruta upang ang mas maraming sasakyan ay mailalagay sa mas higit na maraming mananakay at upang makatulong din sa pagsugpo ng traffic sa bawat lugar.
- Latest