MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacanang na mas makakabuti na ibunyag ni PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang sinasabi nitong kumpare na mula sa Malacanang na tumawag sa kanya na nakiusap na ibalik sa puwesto si Supt. Marvin Marcos sa CIDG-region 8 na nasangkot sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sinabi ni Presidential Communications Assistant Sec. Ana Marie Banaag sa media briefing kahapon, mas mabuting si PNP chief dela Rosa ang sumagot kung sino ang tumawag sa kanya na ‘kumpare’ mula sa Malacanang dahil siya naman ang tinawagan nito.
“I guess so,” wika pa ni Asec. Banaag ng tanungin ng media kung nararapat bang ibunyag ni PNP chief ang pangalan kung sinong kumpare niya mula sa Palasyo ang tumawag sa kanya na nakiusap upang ibalik sa puwesto si Marcos.
Unang tinukoy ni Sen. Leila de Lima na si Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go ang tumawag kay Gen. dela Rosa para maging padrino ni Marcos na maibalik sa puwesto sa CIDG-region 8.
Itinanggi naman ni Gen. Bato na si Bong Go ang sinasabi niyang kumpare mula sa Malacanang.
Sinabi ni dela Rosa sa isang hiwalay na panayam na handa niyang pangalanan ang sinasabing kumpare kapag sinabi ni de Lima ang source nito.