MANILA, Philippines – Isinusulong ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na gawing national hero ang ama ng Katipunan na si Gat. Andres Bonifacio.
Sa House Bill 3376 na inihain ni Rep. Zarate ay nais nitong kilalanin si Bonifacio bilang pambansang bayani at kauna-unahang Presidente ng Pilipinas.
Ipinaliwanag pa ng kongresista, na matagal na inaral ng mga historians na si Bonifacio ang dapat na unang Pangulo ng bansa na siyang hindi naituturo sa mga paaralan.
Base umano sa mga pag-aaral ng mga historians sa bansa, August 24, 1896 naitatag ni Bonifacio ang Kataas-taasang Kapulungan o ang kauna-unahang national government hanggang sa pagkamatay nito noong May 10, 1897.
Sa pagkakatatag din umano ng unang gobyerno sa Pilipinas ay nakapagpasa si Bonifacio ng tatlong resolusyon, ang pambansang armadong rebolusyon laban sa Espanya, ang pagtatag ng pambansang pamahalaan at ang paghalal ng mga opisyal na mamumuno sa bansa.
Iginiit pa ni Zarate na ang mga ganitong uri ng kasaysayan ay dapat na itinatama hindi tulad ngayon na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na binabaluktot ang kasaysayan ng bansa matapos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani kung saan hindi naman daw tunay na bayani ang diktador na Pangulo.