Nagtanim ng IED sa US Embassy: 2 bomb suspect, tiklo
MANILA, Philippines – Dalawang itinuturing na ‘persons of interest’ na pinaghihinalaang nasa likod ng bigong pagpapasabog sa US Embassy sa Maynila ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation kahapon.
Kabilang sa nasakoteng suspect ay si Rayson Kilala Sakdal alyas Rashid Kilala, 34 anyos na nabitag sa followup operation sa Brgy. Bagumbayan, Bulacan, Bulacan. Hindi pa tinukoy ang isa pang inarestong suspect.
Bandang alas–9:30 ng umaga nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Manila Police District (MPD) at ng Bulacan police ang suspect.
“The arrested person is allegedly the prime suspect who put the IED (Improvised Explosive Device) near the US Embassy”, pahayag naman ng isang opisyal sa text message.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde, dalawa ang nasakote na kapwa itinuturing na ‘persons of interest’ sa nasilat na tangkang pambobomba sa US Embassy noong Lunes. Gayunman hindi muna idinetalye ng opisyal ang pagkakaaresto sa isa pang suspect na kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
“Base dun sa cartographic sketch na nakuha natin kahapon, marami tayong nakuhang impormasyon, as of now they (suspects) are undergoing investigation to determine kung sila talaga yung naglagay ng IED dun sa trash bin near US Embassy”, ani Albayalde na sinabing sa pamamagitan ng computerized facial sketch ay agad natukoy ang isa sa mga suspect.
“Kung maganda ang magiging investigation at operations kung talagang involved itong two persons of interest at kung may kasama pa silang iba. Hindi natin dini-discount ang posibilidad na ito ay isang group at ito ang subject ng follow up operation natin ngayon”, ani Albayalde ng matanong kung miyembro ng Maute terror group ang mga suspect.
Una nang ipinalabas nitong Martes ni PNP Chief Director-General Ronald “Bato” dela Rosa ang cartographic sketch ng suspect sa paglalagay ng IED upang mapabilis ang pagdakip rito at sa kaniyang mga kasamahan ng tracker team ng pulisya.
Nitong Lunes ay narekober ng mga awtoridad ang isang bomba na itinanim sa isang basurahan sa harapan ng US Embassy sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Ang bomba na gawa sa 81 MM mortar na natagpuan ng isang tagalinis ng kalsada ay kahalintulad sa ginamit na tinukoy na mula sa signature ng Maute terrorist group na nasa likod ng madugong pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2 ng taong ito na ikinasawi ng 2 katao habang mahigit pa sa 70 ang nasugatan.
Samantalang patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa dalawang ‘persons of interest’.
- Latest