MANILA, Philippines - Pinasususpinde ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Korte Suprema ang lisensiya ni Sen. Leila De Lima sa pagka-abogado kasunod ng pag-amin nito na nagkaroon sila ng relasyon ng driver nitong si Ronnie Dayan.
Batay sa supplemental complaint na inihain ni VACC chairman Dante Jimenez, kailangang pansamantala munang suspendehin ang lisensiya ng senadora hanggang maresolba ang kanyang disbarment case.
Inakusahan din ng mga complainants si De Lima ng gross immorality dahil sa naging relasyon nila ni Dayan na umaming nangongolekta ng pera sa self-confessed drug distributor Kerwin Espinosa na umano’y ginamit ng senadora bilang campaign fund noong May elections.
Matibay na basehan na umano ang pag-amin ni De Lima sa kanyang pakikipagrelasyon kay Dayan upang suspindihin ang paging abogado nito hangga’t hindi natatapos ang kasong disbarment.
Laman din ng supplemental complaint ang mga text message ni De Lima sa anak ni Dayan na si Hannah Mae kung saan, pinayuhan niya si Ronnie na huwag dumalo sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng paglaganap ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Ipinagkibit balikat lang naman ni De Lima ang hakbang na tanggalan ito ng lisensiya at sinabing bahagi ito ng “circus” ng Duterte administration.
Tinawag pa niyang “clowns” ang mga complainants na sina National Bureau of Investigation (NBI) deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala, jueteng whistleblower Sandra Cam at Jimenez.
Iginiit din ni De Lima na naghiwalay na si Dayan at ang kanyang asawa bago nagsimula ang kanilang romantic affair.