Obstruction of justice dapat sagutin
MANILA, Philippines - Ipapaaresto ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Sen. Leila de Lima sa sandaling balewalain ng Senadora ang ilalabas na show cause order ng House Committee on Justice laban sa kanya.
Ipinaliwanag ni Speaker Alvarez, kapag hindi sinunod ng Senadora ang show cause order at nai-contempt siya ng komite ay pipirmahan niya ang arrest order para sa kanya.
Kung sakali ito ang unang pagkakataon na mangyayari na magpapaaresto ang kamara ng isang Senador dahil ngayon lamang umano may isang “gago” na Senador na nanghimasok sa kamara at nagsabi sa isang saksi na huwag dumalo sa pagdinig ng kapulu-ngan.
Mariin namang itinanggi ng Speaker ang laman ng text ni De Lima sa anak ni Dayan na ang imbestigasyon ay pakana niya at dikta ni Pangulong Duterte.
Nilinaw pa ni Alvarez, na walang kinalaman dito ang Pangulo at lalong hindi niya ito dikta sa kapulungan.
Iginiit pa niya na walang nilabag ang Kamara sa kanilang im-bestigasyon at pagpapatawag kay De Lima kundi ang Senadora umano ang lumabag sa kanilang proseso.
Subalit kung sa tingin umano ng Senadora na mayroong nalabag ang Kamara ay bukas ang korte para magsampa siya ng kaso laban sa mga kongresista.
Nagbanta kahapon si House Majority Lea-der Rodolfo Farinas na mahaharap sa iba’t ibang kaso si Sen. Leila de Lima kapag hindi siya sumunod sa show cause order na inilabas ng Kamara.
Ayon kay Rep. Farinas, tatlong legal na hakbang ang maaaring gawin ng Kamara kung mai-cite for contempt ng House Justice Committee si Sen. De Lima.
Samantala, inirekomenda naman ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe sa komite na bawiin ang desisyon na magpalabas ng show cause order laban kay De Lima dahil sa umanoy pinagtago niya si Ronnie Dayan.
Giit ni Rep. Batocabe, mas mabuting i-withdraw ang show cause order sa Senadora at ipaubaya sa Senado ang pagdisiplina dito dahil wala umanong karapatan ang Kamara na magdisiplina ng Senadora dahil sa umiiral na interparliamentary courtesy sa pagitan ng dalawang panig. Kung iaatras ang show cause order, maiiwasan pa umano na magkaumpugan ang dalawang kapulungan.
Walang balak si Sen. De Lima na humarap sa Kamara o magbigay ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt matapos payuhan ang dating driver na huwag siputin ang pagdinig tungkol sa drug trade sa New Bilibid Prison.
“Certainly, I will not face them. Certainly, I will not honor that show cause order,” ani De Lima sa isang panayam bago magsimula ang sesyon kahapon.
Bagaman at tiniyak na hindi pupunta sa Karama, nilinaw ni De Lima na gagawa na lamang siya ng karampatang aksiyon sa tulong ng kanyang legal team kapag natanggap na kung ano man ang ipapadala ng House of Representatives.
Ipinahiwatig ni De Lima na hindi siya maa-ring akusahan ng hindi paggalang ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan dahil ang ilan sa mga ito umano ang nambabastos sa kanya.
Samantala, mag-uusap naman ang lider ng Kamara at Senado kaugnay sa isyu ni Sen. De Lima.