MANILA, Philippines – Sinalakay at inokupa ng mga armadong miyembro ng Maute Group ang lumang munisipyo at ilang abandonadong gusali sa bayan ng Butig, Lanao del Sur, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Major Felimon Tan, spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, agad namang rumesponde ang tropa ng militar kung saan ay nakabakbakan ang Maute Group.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni Tan na dalawang sundalo na ang napaulat na nasugatan sa insidente kabilang dito si Corporal Jerome Cuid habang hindi pa madetermina sa hanay ng mga kalaban.
Nabatid na noong Huwebes ay nagsimulang sumalakay ang mga terorista na armado ng rocket propelled grenade (RPG) at iba pang matataas na kalibre ng armas sa nasabing lugar na labis na ipinagpanik ng mga residente.
Samantala, habang nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng militar kahapon ng umaga ay nakasagupa ang nasabing grupo na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Ang ground troops ng militar ay binaback-up ng SF260 fighter plane ng Philippine Air Force (PAF).
Taliwas naman sa napaulat na mismong ang munisipyo ng Butig ang ni-raid at nakubkob ng Maute terror group, nilinaw ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na wala itong katotohanan at mga abandonang gusali ang inokupa ng mga terorista.
“The building they occupied is already the old abandoned building that is not being used. It is also in an area where most residents have abandoned and only the relatives of the Maute family have remained. Hindi sila umatake sa municipal building,” paliwanag ni Padilla.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay patuloy naman ang opensiba at pagtugis ng tropa ng militar laban sa nalalabi pang lider at miyembro ng Maute Group.