MANILA, Philippines – Malamang magsampa ng ethics complaint sa Senado ang House of Representatives laban kay Senador Leila de Lima dahil sa umano’y paghadlang niya sa proseso ng hustisya.
Sinabi kahapon ni Rep. Harry Roque ng Kabayan partylist group na kakausapin niya ang House justice committee hinggil sa kanyang panukala na pasimulan ng mga kongresista ang isang reklamo kung tatanggi ang mga senador na kumilos laban sa kasamahan ng mga ito.
Sina Roque, Majority Leader Rodolfo Fariñas at iba pang miyembro ng Kamara ay nag-aakusa kay De Lima ng umano’y obstruction of justice dahil sa pagpayo nito noon sa dati nitong driver-bodyguard na si Ronnie Dayan na magtago at balewalain ang subpoena para sa pagharap nito sa pagdinig ng House sa kaso ng kalakalan ng droga sa New Bilibid Prison. Sinunod naman ni Dayan ang payo ng dati niyang amo. Naaresto siya noong nakaraang linggo.
Noong Huwebes, nanawagan sina Roque at Manila Rep. Lito Atienza sa Senado na imbestigahan at tanggalin sa Mataas na Kapulungan si De Lima.
Gayunman, tumangging kumilos sina Senate President Aquilino Pimentel III at kanyang mga kasamahan at, sa halip, pinili na lang hintayin ang mga kongresista na magsampa ng reklamo.