MANILA, Philippines - Hindi pa kumbinsido si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa mga ibinulgar ni Ronnie Dayan na dating driver at bodyguard ni Sen. Leila de Lima sa Kamara noong Huwebes.
Ayon kay Aguirre, masyado umanong ‘selective’ ang mga impormasyon na sinabi ni Dayan at may itinatago pa ito kaugnay sa pagtanggap ng drug money para kay de Lima.
Aniya, naniniwala siyang may pinoprotektahan pa si Dayan bukod pa sa kanyang sarili.
Tulad na rin ng mga mambabatas, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga sinabi ni Dayan sa mga naunang testimonya nina Kerwin Espinosa at mga high-profile inmates.
Iginiit ni Aguirre na kung mapasailalim sa Witness Protection Program (WPP) si Dayan, kailangang ihayag na nito lahat ang kanyang nalalaman at huwag ng magtago ng impormasyon.
Si Dayan ay inilagay na sa isang safehouse sa Pangasinan.