Kaya naantala ang sahod TIN, PAG-IBIG ng mga enforcers inayos

MANILA, Philippines - Inasikaso ang tax identification number at Pag-ibig ng mga enfor­cers kung kaya’t naantala ng limang buwan ang pagbibigay ng sahod ng mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau ( MTPB).

Ito naman ang pahayag ni MTPB Director Dennis Alcoreza hinggil sa reklamo ng mga enforcers na limang buwan nang umaasa na makasahod.

Sa panayam kay Alcoreza, sinabi nito na kinailangan nilang linisin at ayusin ang TIN at PAG IBIG ng bawat traffic enforcers upang magkaroon ng seguridad ang kanilang pinagtatrabahuhan.

Mahigpit din aniya ang Commission on Audit (COA) kung kaya’t kailangan na may pinupuntahan ng maayos ang pasuweldo sa mga MTPB enforcers.

Aniya, ngayong may TIN at PAG IBIG na ang halos 500 enforcers, mas malaki na ang kanilang mapapakinabangan kung saan mas magbebenepisyo ang kanilang pamilya

Inaangal ng mga enforcers ang hindi pagbibigay ng kanilang limang buwang sahod. Anila, posibleng maging ‘tuyo’ din ang kanilang Pasko kung magpapatuloy pa ito.

Nalulungkot lamang umano ang mga enforcers dahil hindi natutumbasan ng sapat na sahod ang kanilang pagtatrapik at pagmamando sa kalsada. Umaasa ang mga enforcers na hindi sila ang sa­crificial lamb sa awayan ng mga pulitiko sa Maynila.

Kawawa ang aming pamilya, ”dagdag pa ng mga enforcers.

Show comments